Share This Post

Featured Slider / Sorsogon News

Batang nagtitinda ng camote cue, isinauli ang napulot na cellphone sa may–ari nito

Donna Mae Aguilar
  • Itinampok ng isang netizen ang isang batang babaeng nagtitinda ng camote cue na nagsauli ng kaniyang cellphone
  • Nahulog niya umano ang cellphone habang siya ay nasa simbahan
  • Tinawag niyang “anghel” ang naturang bata dahil sa katapatan at kasipagan nito

Minsan, sa kahahanap natin ng mga anghel sa langit, nakaliligtaan nating maaaring may mga anghel din sa lupa. Maaaring nasa lansangan, nagtitinda, at nasa anyong bata.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Jam Loresto” sa kaniyang Facebook post ang kaniyang karanasan hinggil sa pagkawala ng kaniyang cellphone, at ang pagkakapulot at pagkakasauli nito sa kaniya ng isang batang babaeng nagtitinda ng camote cue sa lansangan, na tinawag niyang  “A Beautiful Angel on the Street.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jam Loresto

Ang naturang matapat na bata ay kinilalang si Donna Mae Aguilar o mas kilala bilang si “Ganda” na nakatira sa may tulay ng Barangay Banuyo, Pilar, sa Sorsogon.

Siya ay 12 taong gulang at nag–aaral sa Binanuahan Elementary School. Naiwan umano ng netizen sa simbahan ang cellphone at hindi na siya umaasang maibabalik pa ito sa kaniya. Mabuti na lamang at hinabol siya ng bata at naibalik ang napakahalagang bagay para sa kaniya.

Nang minsang maispatan ng netizen ang bata na naglalako pala ng camote cue tuwing hapon, tinawag niya ito upang muling magpasalamat, at dinala pa sa kanilang tahanan upang ipakilala sa kaniyang nanay at mga kapatid. Dinala niya ang bata sa kuwarto upang bigyan ng kaunting damit, kaya natanong niya ito, ” Bakit nagtitinda ka ng camote cue kahit tirik na tirik ang araw? Nasaan ang mga magulang mo?”

Sagot daw ng bata sa kaniya, “Si Mama po nag-aalaga ng mga kapatid ko, ‘yung Tatay ko naman po pat*y na. Tinutulungan ko po si Mama.”

Ang itinuturing at tinutukoy niyang “Mama” ay lola niya dahil wala na rin siyang komunikasyon sa tunay niyang ina. Kaya ang lola nila ang nag-aalaga sa kanila.

“Naantig ang puso ko, niyakap ko siya, dahil kahit kapos din sa buhay mas pinili niya pa ring gumawa nang mabuti sa kapwa nang minsang sinauli niya ang nawawalang bagay na importante para sa iba,” ayon sa netizen.

Bilang pasasalamat, binigyan niya ng laruan ang bata bilang regalo. Hindi raw mailarawan ang ningning sa mga mata ng bata. Pinakyaw din ng netizen ang lahat ng mga natitirang paninda nito upang makauwi na at makapagpahinga.

Imahe mula sa Facebook account ni Jam Loresto/Public Domain Image

Napagtanto ng netizen na hindi matatawaran ng kahit anumang bagay ang ginawa mong kabutihan sa iyong kapwa, gaano man ito kaliit o kalaki.

Kagaya ng netizen na may-ari ng cellphone,  saludo kami sa iyo, Donna Mae! Isa kang inspirasyon at magandang halimbawa sa kabataang gaya mo.Source :

FacebookFacebookThe Daily Sentry

Ricardo Deleno

Source: https://news.definitelyfilipino.net/posts/2020/04/batang-nagtitinda-ng-camote-cue-isinauli-ang-napulot-na-cellphone-sa-may-ari-nito/

Share This Post

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>